Nagtataka ako kung bakit may mga taong nagtatanong kung normal lang ba na magmahal ng dalawang tao sa sabay na oras at panahon.
May mga kanta pa nga tulad ng “Mahal ko o mahal ako”, “Sana dalawa ang puso ko”. Hindi ko talaga makuha ang punto nito, dahil sa sitwasyon ko, dalawa ang minamahal ko.

Normal naman para sakin. Pakiramdam ko kasi di ako mabubuhay nang wala ang isa sa kanila. Gets mo ba yung punto ko? Kapag wala ang isa sa kanila, pakiramdam ko kulang ang mundo ko. Napakalungkot.

Ngayon nga’y mahimbing silang natutulog sa iisang kama, nasa iisang bahay lang kasi kami at payag sila sa ganoong arrangement. Siguro sapat na sa kanila na mahal ko silang dalawa. Alas tres ng madaling araw pero heto ako’t nakatitig sa kanilang dalawa; iniisip kung normal lang ba talagang magmahal ng dalawang tao sa sabay na oras at panahon.

Magkakaiba kasi ang pagmamahal ng tao. Kagaya ng una kong minamahal, malumanay siya pero di clingy. Siya yung tipo ng taong sobrang ma-asikaso. Hindi mo aakalain sa unang tingin sapagkat siya’y medyo “nakaka-intimidate” tignan. Korni din siya, wala sa hulog ang jokes at madalas di pumapatok ang mga ‘yon. Hindi ko rin alam kung bakit tuwing nasasaktan ako e siya ang una kong tinatawagan. Siguro kasi mas naging komportable akong magkuwento sa kanya.

Sobrang magkaiba sila ng pangalawa kong minahamal, dahil eto naman feeling #badass sa kabila ng katotohanang napaka lambot ng puso niya. Lahat ng gusto ko, hanggat maaari ibibigay niya. Tawagin niyo na ako’ng huthutera, pero kapag may kailangan ako, siya ang nilalapitan ko. Kahit hindi niya sabihin, alam kong handa siyang gawin ang lahat ng bagay para sakin.

Kahit na may pagkakaiba hindi ako nakaramdam ng kalamangan sa pagmamahal na mayroon ako sa kanila. Pantay na pantay, kala mo ginamitan ng panukat. Bagamat parehong pantay ay pareho rin naman itong nag-uumapaw.

Ayokong dumating sa punto na tatanungin nila ako kung sino ang mas mahal ko sa kanilang dalawa; kung sino ba ang pipiliin ko o mas pinipintig ng puso ko. Sapagkat kapag dumating ang panahon na ‘yon, baka di ako makapagsalita. Hindi ako makakapili, hindi ko kakayaning mawala ni-isa sa kanila.

Alam kong makasarili pero mas gusto kong minamahal sila sa sabay na oras at panahon. Hindi sila perperkto, pero habang sabay ko silang minamahal, pakiramdam ko buo ako.

Mag a-alas kuwatro na pero wala paring sagot sa tanong ko. Kung bakit nga ba hindi tanggap sa lipunan ang mga taong kagaya kong may dalawang minamahal. Minsan na kaming binansagang “hindi makuntento”, “imoral” at “di dapat tularan”. Walang sapat na ebidensya, walang sapat na rason.

Ngayo’y nakatitig akong muli sa dalawang taong minamahal ko. Masasabi ko’ng hindi ako nagkamali na minahal ko sila nang sabay.

Hindi sapat na dahilan ang pamamahiya ng lipunan para lang limutin ko ang isa sa kanila. Kaya’t huwag niyo akong sabihan ng “di dapat tularan”, “imoral” o “hindi makuntento”.

Hayaan niyo akong maging makasarili. Hayaan niyo akong magmahal ng dalawa sapagkat hindi talaga ako makapili sa kanila.

Mama at Papa, payag naman kayo na sabay ko kayong minamahal, ‘di ba?

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s